朗読繰り返し 朗読声質 |
速度 Speech of President Osmeña on honoring Manuel L. Quezon* |
速度 May isáng taón na ngayón, sa Lawà ng Saranac, sa estado ng Nueva York, si Manuel L. Quezon, unang Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas, ay lumipat sa mabuting buhay. Nagíng malungkot niyáng kapalarang hindî na niyá nakita ang pagkatubós ng kaniyang bayan sa mga kukó ng kaaway, nguni’t hindî mapag-aalinlanganang nauukit sa kaniyang isipan na ang paglayang pinag-ukulan ng buô niyáng lakás ay hindî na matatagalán at daratíng, gaya nang sa katotohanan ay dumatíng. Nalalaman din namán niyáng kapagkarakang mapalayà sa mga haponés, ang kaniyáng bayan ay walâ nang panganganiban sa hinaharáp, sapagka’t ang pagsasariling pinag-ukulan ng lalong pinakamabuti ng kaniyáng panahón sa buhay ay matatatág, sa wakás, sa ilalim ng mapagkalingang pakpák ng Estados Unidos. |
速度 Ang Pangulong Quezon ay nagdulot ng maraming mahahalagáng paglilingkod sa kaniyáng bayan sa ibá’t ibáng matataás na tungkulin: sa pagka tagapagpaganáp ng lalawigan sa Tayabas sa panahón ng kaniyáng kabataan, sa pagka patnubay ng nakararami sa Unang Kapulungang Bayan, sa pagka sugong kinatawán sa Washington, sa pagka pangulo ng Senado Pilipino, at sa wakás sa pagka pangulo ng Commonwealth. Nguni’t alin mán sa mga paglilingkod na iyán, maningníng na gaya ng kaniyáng mga kaningningán, ay hindî makahihigít sa ganáng nauukol sa pagdudulot ng palagíang kapakinabangán sa kaniyáng bayan, na dî gaya ng mga nagawâ ng kaniyáng pangasiwaan sa pagka Pangulo natin sa Digmâ sa Estados Unidos. |
速度 Mulâ nang sumiklab ang digmâ sa Pilipinas noóng Disyembre, 1941, ang suliraning pinagkaabalahâng mabuti ng kaniyáng isipan ay kung sa pagka Pinunong Tagapagpaganáp, ay tungkulin niyáng manatili sa piling ng kaniyáng bayan at makibahagi sa kapalaran nitó. Pagkatapos pa lamang ng mahabà at masusing pag-aaral kaniyáng ipinasiyá sa wakás na humiwaláy sa kaniyáng bayan, sa pangsamantalá, at tanggapín ang paanyaya ng Pangulong Roosevelt na itatág ang kaniyáng pámahalaán sa Washington. Ang kapasiyaháng itó ay hindî lamang siyang pinakamatalino at pinakamakabayang magagawâ, kundî siyáng tanging bagay na magagawâ sa haráp ng mga pangyayari. At sa gayón, pagkatapos ng mga paulit-ulit na pagsangguni sa kaniyáng mga kasama sa pámahalaán, una sa Marikina bago siyá umalis sa Maynilà, at pagkatapos ay sa Korehidor, sa Negros at sa Mindanaw, ay ipinasiyá niyá sa katapusáng lumakad. |
速度 Bakit ang kaniyáng mga kasama ay buóng pagkakaisáng nagpalagáy na dapat siyáng umalís sa Pilipinas sa haráp ng mga pangyayari noón? Una, ay sapagka’t naniniwalà siláng walâ nang magagawâ pa upang mapigil ang pagsalakay at ang pagsakop sa Pilipinas. Ikalawá, maliwanag sa kaniláng upang maipagpatuloy at maipagtagumpáy ang kilusán sa pagsalungát ay kailangan itóng pamatnubayan mulâ sa labás nang nasasakupan ng kapangyarihan ng kaaway. At ikatló, lumalabás sa haráp ng batás na pangdaigdig at sa mga sukat mangyari sa hukbó, na ang pagsasarilí ng Pilipinas ay maaarì lamang magbuhat sa Estados Unidos, at sa ganyán ay sa Estados Unidos lamang tanging maaarì nating ipagpatuloy ang mga gawain sa pagtatatag ng kasarinlán. |
速度 Ang palagáy ng ilán na ang Pangulong Quezon ay hindî dapat sanang umalís sa Pilipinas upang patunayan ang kaniyáng pagnanais na makibahagi sa kapalaran ng kaniyáng bayan, ay isáng matuwid na nauukol sa damdamin na totoong mapanganib na pahalagahan. Sasailalim ng malupit na pamalakad ng sumakop, ang Pangulong Quezon ay napalagáy sana sa isáng katayuang hindî siyá makatatangging tumulong at marahil ay aabutin din niyá ang kakilakilabot na nagíng kapalaran ni José Abad Santos—isáng pagkawaláng totoong napakalakí sa ating bayan—o kaya’y sasalilong ng kaaway at mangunguna sa talaan ng mga pinunong manike. Lubós akóng naniniwalang tiyák na pipiliin ng Pangulong Quezon ang kamatayan kay sa maglingkod sa ilalim ng kinamumuhiang kaaway. Nguni’t ipalagáy na sa halip na nagpatuloy sa kaniyáng tungkuling lider ng Pagsalangsang, ay minabuti niyáng maging isáng kasangkapan sa pagsasagawâ ng mapanganyayang hangarin ng Hapón, ay mangyari pang nakagawâ sana siyá ng lalong malaking pagsirà sa usapín ng Pilipinas sa Estados Unidos, na hindî na mangyayaring malunasan. |
速度 Sanhî sa kaniyáng tungkulin sa pámahalaán sa pagka pinunò ng bansá at sanhî sa kaniyáng mga tahasang gawì at pahayag nang bago magkadigmâ, ang Pangulong Quezon ay kailangan, at siyá namang na sa matuwid, na siya ang maging mataás na patnubay ng ating pangbansáng pagsalangsáng. Sa Pilipinas at gayón din sa Amérika, hanggáng sa kaniyáng kamatayan, ay siyá ang sagisag ng mithiing pilipino sa paglayà at pagsasarilí. Ang ating bayan, sa pangkalahatan, at ang ating mga kawal at gerilyero, lalonglalò na, ay sumang-ayon sa kanyáng pamamatnubay at kinatigan siyá hanggáng sa sukdulan. Sa gayón, ibinubunsod ng matapang na paninindigan ng kaniyáng mga kababayan, bago at pagkatapos na bumagsak ang Bataan, ang Pangulong Quezon ay walang magagawâ kundî isang kapasiyahán lamang: lumagáy siya sa hindî maaabot ng kaaway at pagsikapan sa Estados Unidos ang madalíng pagtubós sa Pilipinas at ang maagang ikagaganáp ng kaniyáng pagsasarilí. Sa pamamagitan ng kapasiyaháng itó, ang ating yumaong Pangulo ay nagpakilala ng katapangan at ng diwà ng pagpapakasakit na hindî matutularan. Siyá ay maysakít, iláng taón pa muna bago sumiklab ang digmâ, at sa maraming buwán bago sumapit ang 1941 ay kinailangan niyáng huwag dumaló sa kaniyáng tanggapan sa tagubilin ng kaniyáng mga manggagamot. Sa haráp ng mga balakid na iyán ay naglakbay din siyá sa pamamagitan ng aeroplano at ng submarino—dalawáng sasakyáng totoong pinakaiilagan niyá—upang makatakas sa lumusob at mapanatili sa Amérika ang kabuuán ng ating pámahalaáng konstitusional. |
速度 Ang mga pangyayari ay totoóng sariwà pa upang isaisahing ipaliwanag. Sapát nang sabihing sa ilalim ng pamamatnubay ng Pangulong Quezon, ang pámahalaán ng Commonwealth ay inilipat sa Washington, hindî lamang angkín ang pagkilala ng Estados Unidos, kundî ng ibá mang bansáng kaanib ng Amérika sa digmang itó. Ang Commonwealth, sa isáng pangungusap, ay nagtamó ng pasulong na kalagayan sa kapamayanan, sapagka’t sa pagpapauna na sa ipinangakong pagkilala sa ating kasarinlán, ang pámahalaáng amerikano ay gumawâ ng mga hakbáng upang dulutan tayo ng kakaniyahang dapat angkinin sa pakikiharáp sa ibáng bansá. Ang Pangulong Quezon ay nagkaroon ng biyayang makalagdâ sa Pahayag ng mga Bansang Nagkakaisa, na parang kumakatawán na siyá sa isáng bansáng nagsasarilí. Tinanggáp tayong magíng kagawad ng mga Bansáng Nagkakaisa, at binigyan tayo ng isáng luklukan sa Sangguniang Digmâ sa Pasípiko. Pinakabunga ng kaniyáng mga pakikipagtalastasan sa pámahalaán sa Washington, ng kaniyáng mga paulit-ulit na pakikipanayám sa Pangulong Roosevelt, at ng kaniyáng malalamáng talumpatì sa loob at labás ng Kongreso, ay natamó niyáng pag-ukulan ng pagmamalasakit ng bayan ng Estados Unidos ang mga súliranin sa Pasípiko, isáng pagmamalasakit na noóng bago siyá dumating sa Washington, ay napapako lamang sa larangan sa Europa, sa larangang pinag-uubusan ng buóng kayamanan at magagawâ ng Amérika. At sa ganyán, magíng nang bago sumukò ang Alemania, ang súliranin ng pagbawì sa Pilipinas ay naharáp na at ang Heneral MacArthur ay nakabalík sa lupang Pilipinas upang maisagawâ ang kaniyáng maningning na pakikibaka sa pagtubós, na maaga kay sa unang binalak. Ang mga tagumpáy na itó ng hukbóng amerikano, na mabisang tinulungan ng matagal nang nagtiis ng hirap na gerilyang pilipino at ng mga kusang loob na mamamayang sibil, ay isáng alaala sa malayong abot ng paningin at pananalig ng Pangulong Quezon. |
速度 Nguni’t ang pinakamalaking nagawâ ng pangasiwaang Quezon sa Washington, na nakahihigit sa alin man sa mga nagawâ ng dakilang lider na itóng matagal na nakitunggalî sa ating ikapagsasarili, ay ang pagkakapatibay ng Kongreso Amerikano noóng ika-29 ng Hunio, 1944 ng batás na nagtatadhanà ng pagbubukás ng mga himpilan sa lupaíng Pilipinas alang-alang sa ikakakalingà kapuwà ng Estados Unidos at Pilipinas at sa pangangalagà ng kapayapaan sa Pasípiko. Ang kabutihan sa kapanatagan ng batás na itóng kilala sa tawag na Magkalakip na Kapasiyahán 93 na nagtatadhanà ng ating pamumuhay na nagsasarilí at ng kabuuan ng bansá ay hindî maaaring mapuwing. Hanggáng sa maaabot ng paningin ng mga tao, ang pagkalingang itó ay tumitiyák, sa ating kasalukuyan at hinaharáp na salin ng mga tao, ng mapayapang pagtatamasa ng biyayà ng pagsasarilí. Kung ang Pangulong Quezon, sa kaniyáng mahabá at mabungang pamumuhay, ay walâ nang nagawang ibá kundî itó, ay sapát na ring makatiyák sa kaniyá itó ng isáng hindî malilimot na kabanatà ng ating kasaysayan at sapát na magíng sanhî pa rin upang mákahanay siyá ng mga lalong dakilang pinagkakautangan ng loob ng katauhan, tulad ng isá sa mga tagabalangkás ng palagiang kapayapaang pangdaigdig, na mataós na pinakamithî at buóng tiyagâ at talinong hinangad ng mga Bansáng Nagkakaisá pagkatapos ng mapaít na napagdanasan sa digmaang itó. |
速度 Kapagkarakang ipahintulot ng mga bagay na kinakailangan ng digmâ—na ipinalalagáy kong sa madalíng panahón na lamang—ang mga labí ng ating iniibig na Pangulo ay dadalhín sa ating lupain upang dito manatiling habang panahón sa kaibuturan ng kaniyáng bayan. Gaano ang magigíng pagnanais niyáng makitang mulî ang minamahal at na sa balintataw ng kaniyáng mga mata ang anyô ng ating mga kabundukan, kahi’t na pagkatapos ay mapikit ang kaniyáng mga matá magpakailan man, gaya nang malimít niyáng sabihin nang mga hulíng araw bago siyá mamatáy! |
速度 Hindî na siyá mulíng babalík ulî sa atin, gaya nang karaniwan niyáng pagbabalík, mulâ sa kaniyáng mga paglalakbáy sa ibáng bansá nang mga mapanagumpay na araw ng kaniyáng kahanga-hangang pamumuhay—masugid at lipós ng init ng pagkamakabayan sa usapín ng mga usapín, sa usapín ng kalayaan ng kaniyáng bayan. Ang mga araw ng kaniyáng pakikibaka ay nagdaan. Nguni’t ngayón ang bansá ay nahahandáng magdulot sa kaniyá ng isang dakilang pag-uukol ng pag-ibig at paghangà. Gaya rin kina Rizal, Bonifacio, Mabini at ibá pa nating pangbansáng bayani, ay magtatayô tayo para sa kaniyá ng isáng alaalang karapatdapat sa kaniyáng kadakilaan. Ang pagkilala ng utang na loob ng madlâ ay mailalahád na sarili sa hindî mabilang na ibáng paraan, sapagka’t ganyán ang ugalì ng ating bayan—lagì nang handáng kilalanin ang mga naglingkod sa kanilá ng tumpák at maayos. Ang bansáng pilipino ay isáng bansáng marunong kumilala ng utang na loob; dakilà, marangál at may magandang pusò, at kailán man ay hindî pa. nagkukulang sa pagkilala at pagtugón sa lahát ng kailangang kilalanin at tugunin. |
速度 At sapagka’t ganyán ang ugalì ng ating bayan, ang kaniyáng pagpapahayag ng utang na loob, natitiyák ko, ay hindî magkakasiyá na lamang sa kaniyáng yumaong iniibig na patnubay, kundî paaabutin din sa iniibig nitó, lalonglalò na sa maharlikâ at nagpakasakit sa sariling kasama niyá sa buhay na nakiramay sa kaniyá, hindî lamang sa kaniyáng mga tagumpáy at kapurihán, kundî gayón din sa kaniyáng mga pagkasiphayò at pagtitiís. Naniniwalà akóng matapat na nadadamá ko ang niloloob ng ating bayan sa aking pagsasabing tungkulin nating maglaan para kay Ginang Quezon ng isáng pensióng panghabang buhay sa pagpapanatili sa kaniyáng kalagayan at sa pagtugón sa mga pangyayari sa kaniyá. May layon akóng gumawâ ng isáng tagubilin sa bagay na itó sa Kongreso sa darating na tanging pulong, katulad nang pinaiiral sa Estados Unidos na pagkakaloob ng pensión sa mga balo ng mga Pangulo ng Amérika. At pagkatapos na magawâ natin ang lahát ng itó, ay nababayaran lamang natin ang bahagi ng ating utang na loob na sa habang panahón ay dapat nating tanawín sa dakilà at maharlikang estadista—MANUEL L. QUEZON. |